8-anyos na bata, patay sa dengue sa Santiago City

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:54 AM

SANTIAGO CITY - Isang 8-taong gulang na batang lalaki ang namatay dahil sa dengue sa Santiago City, Isabela province.

Pumanaw ang biktima na hindi muna pinangalanan nito lang Lunes, Oktubre 9, ayon kay sanitation officer Mae Celeste Andres ng City Health Office.

Isa ito sa 94 na kaso ng dengue na naitala sa Santiago City mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon. Mas mababa ito kumpara sa 104 na kaso noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Kwento ni Andres, umuwi ang bata sa kanila na may lagnat Oktubre 4. Kinaumagahan, pina-check-up ito kaagad ito ng pamilya sa hospital, aniya.

Inabisuhan silang bumalik makaraan ang dalawang araw at doon na nakitang bumagsak ang platelet count ng bata. Agad itong pina-confine pero binawian rin ng buhay.

Kinukumpirma pa ng City Health Office kung sa mismong bahay ng biktima sa Barangay Sinsayon nakuha ang sakit.

“May nakita po kaming mga gulong po na nasa kanila. May nakuha po kaming mga kiti-kiti sa gulong,” paliwanag ni Andres.

Dahil dito, muli nilang pinaalala ang "4s campaign" sa mga kabahayan, lalo pa’t dumadalas na ang pag-ulan. 

Ang 4s ay nangangahulugan ng "search and destroy mosquito breeding places; use self-protection measures; seek early consultation for fever lasting more than 2 days; and say no to indiscriminate fogging."

Sabi ni Andres, inaasahan kasing dumarami ang receptacles o pamugaran ng mga lamok sa ganitong panahon.

“Kahit po tayo mag-spray, kung meron naman po yung mga pinangingitlugan, meron at meron pong mabubuhay na lamok,” dagdag pa niya.

Tuluy-tuloy din ang pagbabahay-bahay ng City Health Office para mamigay ng leaflets tungkol sa dengue. Pinaalalahanan din nila ang mga residente na sa simpleng paraan ng pagiging malinis sa sariling tirahan ay naiiwasan ang anumang sakit