Serial holdaper ng taxi na nagpapahatid sa Rizal, arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 09:00 PM

Umatake na naman ang isang serial holdaper sa Tanay, Rizal na nambibiktima ng mga taxi driver.

Pinakita pa ng taxi driver na si Leo Salologan kung paano siya itinali at iniwan sa daan sa Rizal matapos siyang holdapin.

Kuwento ni Salologan, sinakay niya ang isang lalake at isang babae sa Parañaque na nangontrata pa na pupunta muna ng Tanay saka didiresto sa pier sa Maynila.

Ngunit pagdating sa Tanay, nagdeklara na umano ng holdap ang kaniyang mga pasahero. 

"Pagbaba ng babae, nagdeklara na ng holdap sa akin, patayin daw ang ilaw, at buksan ang pintuan. Tapos tinali na ako sa paa at kamay," kuwento ni Salologan.

Matapos noon ay iniwan na ang nakagapos na biktima sa isang liblib na lugar.
    
Pagdating nito sa police station, dun niya lamang nalaman na hindi lang pala siya ang biktima.

Ang taxi ni Salologan, iniwan sa Pasig at saka pumara ulit ng panibagong taxi ang dalawang kawatan, na muli nilang biniktima ng parehong modus. 

Nahuli ang mga suspek nang makasenyas ang kanilang bagong bibiktimahing taxi driver pagdating nila sa isang checkpoint.

Arestado agad ang mga suspek na sina Ronel Reyes Camacho at si Grace Advincula.
    
Hindi naman itinanggi ni Camacho ang krimen, na sinabing nagawa lamang niya iyon dahil nasa ospital umano ang kaniyang anak. 

Napag-alaman din na apat na taxi na pala ang nabiktima ni Camacho sa isang gabi.

Ayon sa hepe ng Tanay Police, paboritong lugar ng mga kawatan ang Rizal dahil liblib ito, nasa bundok, at minsan walang cellphone signal.

Nagpayo din ito sa mga taxi driver na maghahatid ng pasahero sa Rizal. 

“The first thing that they can do is pumunta sa pinakamalapit na presinto so bago umakyat naparehistro ang kanilang mga sasakyan,” ani Supt. Carlito Canlas.

Nananawagan ang pulis sa iba pang biktima na lumantad na para makasuhan na ang serial holdaper.

Ibinigay din nila ang numero ng Tanay Police na maaaring tawagan sa 693-1341 at 654-9347. --Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.