Paano malalamang lehitimo ang isang online store?

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 03:06 PM

Hindi maikakaila na tuwing papalapit ang Pasko, dagsa ang buhos ng tao sa mga pamilihan at lalong tumitindi ang trapiko sa mga kalsada.

Kaya't may ilang mamimiling mas pinipiling manatili sa kanilang mga bahay at sa mga online shop na lamang maghanap ng mga ipangreregalo.

Nanawagan si Manuel Eduarte, pinuno ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division, sa publiko na maging maingat at mapagmatiyag sa pagbili ng mga produkto sa internet.

Kasabay kasi ng pag-usbong ng kulturang online shopping, lumaganap din ang iba't ibang modus na nais manloko sa mga konsyumer.

"Nasa-sacrifice natin ang ating security over convenience kasi minsan, kapag online (shopping), makikita natin ‘yong mga special at napakahirap na hanaping regalo," ani Eduarte sa programang "Sakto" ng DZMM.

Ayon kay Eduarte, kadalasang pakay ng mga online na scammer ang identity theft o 'yong pagkuha at paggamit ng impormasyon at pagkakakilanlan ng mamimili.

Pinayuhan ni Eduarte ang publiko na maging metikuloso sa pamimili ng online store na pagbibilhan.

Kapag ang isang online store ay maraming "pop-up advertisement," nangangahulugan umanong kahina-hinala ang tindahang ito.

Dapat ding mag-ingat ang mga mamimili kung ang online store ay nagpapadala ng mga unsolicited e-mail o 'yong paulit-ulit na e-mail na hindi naman kinakailangan at walang katuturan.

Hinikayat ni Eduarte ang mga mamimili na magbasa ng mga komento ukol sa isang online shop upang makakuha ng ideya sa kalidad ng serbisyo nito.

Mapagkakatiwalaan din umano ang isang online store na nagbibigay ng address ng pisikal na tirahan o tanggapan. 

Hindi umano kapani-paniwala ang isang online store na nagtitinda ng produkto sa napakababang halaga dahil kadalasa'y mababa ang kalidad nito at madaling masira.

Sa usapin naman ng bayarin, mas mapagkakatiwalaan umano ang mga tindahang tumatanggap ng credit card kaysa idinadaan ang transaksiyon sa mga bayad center.

Maaaring idulong sa NBI ang mga reklamo kaugnay sa mga ilegal o manlolokong online store sa pamamagitan ng e-mail ([email protected]) o personal na pagpunta sa tanggapan ng ahensiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.