Mas maayos na tirahan, tugon sa panawagan ng mga inabandonang lola

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 01:43 AM

Mahirap tumira sa hindi maayos na lugar ngunit paano pa kaya kung lolo't lola na ang apektado ng ganitong sitwasyon?

Bukod sa pangungulila ng mga lolo't lola, nadagdagan pa ito ng paghihirap sa araw-araw nilang pamumuhay sa loob ng Golden Reception and Action Center for the Elderly and other Special Cases (GRACES).

Luma at siksikan na kasi ang pasilidad na ito ng Department of Social Welfare and Development.

“Sa mga sponsors natin, mga private individuals, mga nais tumulong na mag-adopt po sana ng isang cottage o ng isang facility para po mas maganda po ‘yung ng atin pong mga lolo’t lola dito sa GRACES,” panawagan ni Farrah Cabrera, officer-in-charge sa GRACES. 

Kasunod ng panawagang ito, tumugon at nagsanib-puwersa ang iba’t ibang grupo para sa isang espesyal na proyekto: ang bago at pinagandang GRACES ward facility ng Department of Social Welfare and Development.

May isang gusali na maaliwas, hindi siksikan, may komportableng palikuran at mahihigaan, at lugar kung saan sila maaaliw sa mga araw na daraan. 

Mga lola muna ang mabibigyan ng komportableng puwesto sa ward na ito. 

Excited naman ang senior citizens sa kanilang bagong tirahan.

“Kailan kaya ako dito makakatira?” ani isang lola.

Kaya naman hindi na pinatagal pa ang kanilang paghihintay.

“Nagpapasalamat po kami nang taos-puso dahil pinagkalooban niyo kami ng magandang building,” lumuluhang banggit ni Carol Hullar, residente ng GRACES. 

Matapos ang taimtim na bendisyon, ipinakita na sa mga lola ang kanilang bagong tahanan. 

“Umulan, bumagyo, hindi na ako mababasa sa higaan ko,” ani isa sa mga lola.

Sapat na naman para sa mga tumulong sa proyekto ang mga ngiti ng mga lola upang mapawi ang lahat ng pagod na iginugol sa proyekto. 

-- Ulat ni Ted Failon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.