Impeach trial vs Bautista, 'baka makasagabal' sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 07:45 PM | Updated as of Oct 12 2017 08:38 PM

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang senador sa maaaring pagkakaantala ng mga nakabinbing panukalang batas dahil kailangan nilang tumayo bilang hukom sa impeachment trial ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Juan Andres “Andy” Bautista.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaaring hindi maipasa sa target date ang mahahalagang panukala tulad ng 2018 national budget at ang tax reform package. 

“The deliberations on the proposed 2018 national budget and the TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act) will have to take a backseat once the Senate begins the impeachment trial against Chairman Andy Bautista,” ani Drilon. 

Hindi umano sila maaaring tumanggi dahil nakasaad sa Saligang Batas na ang Senado ang kaisa-isang maaaring tumayo bilang impeachment court.

“The impeachment trial is a constitutional duty that the Senate is bound to perform without any delay. We should give it the highest priority.”

Dagdag pa ng senador, maaari silang kapusin sa oras lalo na’t nakatakda silang mag-break ng isang buwan simula ngayong linggo.

“Our calendar is too tight and the impeachment case will eat up a lot of our time when we resume session in November. Legislative work will be seriously affected and that is a matter that the leadership should highly consider,” pag-aalala ni Drilon. 

Ayon naman kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, hahanapan nila ng oras ang nasabing impeachment ni Bautista. 

“Hahanapan ng oras, kasi siyempre part ng job description namin, pag may impeachment, kami ang uupong hukom or judges, eh di hahanapan po ng oras,” paniguro ni Pimentel.

Wala na rin umano dapat na impeachment sakaling mag-resign si Bautista.

“Oo, stop na yun. Kasi ang aim ng impeachment ay alisin siya sa position. Kung wala na siya sa posisyon, wala nang dahilan para magtuloy,” ani Pimentel.

Dagdag gastos sa Senado

Ayon naman sa Senate secretary na si Lutgardo Barbo, may mga karagdagang gastos ang Senado sa nakaambang impeachment trial ni Bautista. 

Ilan na dito ang pagpapagawa ng toga para sa mga bagong senador at ang mas mapapamahal na gastos sa kuryente, tubig, suweldo ng ilang empleyado, at iba pang pasilidad na kakailanganin sa paglilitis. 

Inaaral na rin umano nila ang lumang rules of impeachment na ginamit noong 2012 sa paglilitis sa yumaong Chief Justice Renato Corono. 

“We’re going to change some rules. Saka yung oath kasi iba na. Rules must be published immediately after the senators agreed on the rules of the court,” paliwanag ni Barbo. 
 
Hahatiin din umano ng mga senador ang kanilang oras sa paggawa ng mga batas sa umaga at pagtayo bilang impeachment court pagsapit ng alas-2 ng hapon. 

‘Nabigla’

Inamin naman ni Bautista na nasorpresa siya sa ginawang pag-baliktad sa naunang pagbasura ng impeachment complaint laban sa kaniya. 

Sinabi nito na nirerespeto niya ang desisyon ng Kamara. Nakatakda na niyang kausapin ang kaniyang mga abogado para planuhin ang mga susunod na hakbang.

Pero ayon kay Bautista, handa siyang umalis sa puwesto bago pa mag-December 31 kung ito'y mamarapatin ng Pangulo, bagay na inihayag din niya kay Executive Secretary Salvador Medialdea noong Martes. 

Paliwanag ni Bautista, hindi agaran ang kaniyang pagbibitiw dahil may ilang kasunduan pa siyang dapat tuparin at para na rin bigyan ng panahon ang Pangulo na pumili ng kaniyang kapalit.

‘Hayaan ang Kongreso’

Samantala, ipinapaubaya ng Palasyo sa Kongreso ang desisyon sa impeachment ni Bautista dahil wala umano silang karapatang makialam dito. 

"That's beyond our purview. That belongs to the Congress to decide on," ani Ernesto Abella, tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Kinumpirma naman ni Abella na nagpasa talaga si Bautista ng kaniyang resignation letter na epektibo sa Disyembre 31, 2017. 

Articles of impeachment

Sinabi naman ni House justice committee chairman Reynaldo Umali na tatrabahuhin na nila ang Articles of Impeachment para sa paglilitis ni Bautista.

"I will call for a hearing. We will prepare the Articles of Impeachment and then of course we will have to strengthen the case so we will have to do case build-up," ani Umali.

Plano rin umano ng komite na i-subpoena ang ilang personalidad at dokumento upang mapalakas ang kaso kapag dinala sa Senado. 

Dagdag pa niya, maaaring tumagal ng ilang araw ang paghahanda nila sa Articles of Impeachment dahil kailangan pang ihalal ng plenaryo kung sinu-sino ang magiging miyembro ng panel of prosecutors.

--Ulat nina Sherrie Ann Torres, Willard Cheng, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.