Ilang minuto lang ang pagitan: 2 lalaki, patay sa pamamaril sa Tramo, Pasay

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 12:09 AM

Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Pasay City Miyerkules ng gabi.

Tinambangan si Rolando Almojelo, 41, ng mga di pa kilalang salarin sa Tramo St., Barangay 43 pasado alas-9 ng gabi.

Nag-iwan pa ng karatula ang mga salarin sa tabi ng katawan ng biktima. May nakasulat ito na, "MARAMI PA ANG SUSUNOD NA MAMAMATAY...UMIWAS NA KAYO SA DROGA."

Ayon sa nakasaksi, isa sa tatlong sakay ng motorsiklo ang huminto sa kinatatayuan ng biktima at tatlong beses nagpaputok ng baril.

Aminado ang mga kaanak ni Almojelo na gumagamit ang biktima ng ilegal na droga.

Sampung minuto lang ang pagitan, patay din ang isang tulak umano ng ilegal na droga sa Tramo, Pasay. 

Pinagbabaril ng mga di pa kilalang salarin si Andy Partan, 38. Nangyari ang insidente 300 metro ang layo mula sa pamamaril kay Almojelo.

Anim na lalaki ang pumalibot sa biktima at pinagbabaril ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.