HULI sa CCTV: Lalaking nanloob sa kainan, arestado

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 06:37 PM

Hindi na nakapalag pa ang isang lalaking nahuli sa CCTV na pinagnanakawan ang isang kainan sa Naga City.

Inaresto ng pulis Miyerkoles ng gabi ang suspek na si Roberto de Jesus sa Sona Uno, Barangay Balatas.

Nagdesisyon nang isumbong sa awtoridad ni Nolito Radaza ang insidente ng panloloob sa kaniyang kainan sa Magsaysay Avenue dahil may ilang beses na rin umano niyang pinalampas ang mga nakawan sa lugar.

Miyerkoles ng madaling araw nang nakuhanan ng CCTV ang suspek na nagmatyag muna. 

Inakyat at sinira nito ang dalawang CCTV sa labas ng kainan at nang makapasok sa kusina ay pinagkukuha ang dalawa pang CCTV sa loob, mga pagkain tulad ng pansit, bigas, karne sa freezer at iba pang gamit na nagkakahalaga ng mahigit P30,000.

Inamin ni De Jesus ang panloloob habang narekober sa kaniya ang mga ninakaw. Aniya, labis na pangangailangan para sa pitong anak ang nagtulak sa kaniya para magnakaw. 

Sa loob ng 24 oras, pitong insidente ng crime against property ang naitala sa apat na istasyon sa siyudad.

Paalala ng pulisya, huwang i-asa lang sa kanila ang pagbabantay.

Desidido ang may-ari ng kainan na ipursige ang kasong robbery laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.