Batang may malaking bukol sa dila, nangangailangan ng tulong sa gamutan

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 09:50 PM

Nananatiling masayahing bata si Zhyrille Quilondrino sa kabila ng malaking bukol sa dila

Nakapila si Arvi Jane Pesto sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para ilapit ng tulong ang kaniyang nanay na may colon cancer nang mapansin niya ang dalawang taong gulang na si Zhyrille Quilondrino.

Kuwento ni Pesto, naantig ang puso niya nang makitang labas ang dila at hirap kumain si Zhyrille. 

Bagaman nakikihalubilo at nakikipaglaro si Zhyrille, lubhang apektado ang pamumuhay ng bata dahil sa malaking bukol sa kaniyang dila na tinatawag ng lymphangioma.

Ayon sa doktor na si Kathleen Joy Taleon, ang lymphangioma ay congenital malformation ng lymphatic system at nagmumukhang bukol ngunit hindi naman daw ito kanser.

Pero lumalaki rin ang bukol sa dila ni Zhyrille habang tumatanda siya. 

Kinailangan na rin siyang kabitan ng tracheostomy o tubo sa leeg para makahinga at tanging pagpapadede o pagdurog ng pagkain ang paraan para makakain siya.

Kapwa walang regular na hanapbuhay ang mga magulang ni Zhyrille kaya nangangailangan sila ng tulong para sa gamutan ng kanilang anak.

Para sa mga gustong makatulong sa pamilya, maaaring idaan ang donasyon sa Lingkod Kapamilya.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.