Bagong silang na sanggol na nakasilid sa plastic naisalba

Jenel Baclay, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 07:25 PM

Isang bagong silang na sanggol ang natagpuang nakasilid pa sa plastic at naisalba matapos iwan sa gilid ng isang bahay sa Iloilo City Huwebes ng umaga. 

Nakapalupot pa ang pusod at kasama pa ang inunan sa loob ng plastic nang madiskubre ang sanggol na inabandona sa gilid ng pader ng isang bahay sa Zone 8, Barangay Calumpang.

Ayon sa residenteng si Ariel Ansores, inakala niyang pusa ang narinig na ingay sa loob ng plastic bag. Nang suriin, dito na niya nadiskubreng, sanggol pala ang laman ng plastic.

Agad dinala sa clinic ang sanggol upang malapatan ng paunang lunas bago isinugod sa Western Visayas Medical Center.

Inaalam na ngayon ng pulisya kung may CCTV sa lugar upang matukoy ang ina ng bata. Ayon sa mga residente, nakita nila itong sakay ng isang pedicab.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.