Babaeng ‘runner’, huli sa drug bust sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 09:40 AM

Isang babae na umano'y runner sa ilegal na kalakalan ng droga ang nahuli sa drug bust, kung saan P600,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa kanya sa Consolacion, Cebu.

Gamit ang P200,000 boodle money, dinakip ng mga pulis ang 30-anyos na si Mildred Palmero sa isang drug buy bust operation sa Lapu-Lapu City Miyerkules ng gabi.

Ayon sa pulisya, isang Joye Cabahug talaga ang subject ng operasyon pero nakatakas siya nang biglang makatakbo. Si Palmero, na siyang kasama ni Cabahug sa transakyon, ang hinuli na may bitbit na shabu sa loob ng isang pitaka.

Isang buwang mino-monitor ng pulis ang 2 na parehong nagbebenta umano ng shabu sa karatig lungsod ng Compostela at Danao.

Walong bulto ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng awtoridad.

Dagdag ng pulisya, si Mildred ay tubong Lapu-Lapu City kaya titingnan pa nila ngayon kung siya ay kasali sa drug watch list ng syudad.

Samantala, itinanggi ni Palmero na siya ay sangkot sa pagbebenta ng shabu. Ayon sa kanya, kay Cabahug ang mga nakuhang ebidensya. Tanging ipinadala lang sa kanya ang pitaka at hindi niya alam na shabu pala ang nasa loob nito.

Ikinulong na si Palmero sa Consolacion PNP detention cell habang pinaghahanap pa ang kanyang kasama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.