71 anyos, nagpa-party, 'nanghalay' ng mga dalagita

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 07:17 PM | Updated as of Oct 12 2017 11:16 PM

Arestado ang isang matandang lalaki matapos ireklamo ng pangmomolestiya ng ilang dalagita sa Makati City.

Sa kuha ng body cam ng mga pulis, hindi na nakapalag ang 71 anyos na negosyante na si Elias Cosme nang arestuhin ng mga tauhan ng Makati City police.

Ayon kay alyas "Mary", ina ng 15 anyos na kabilang sa mga biktima, ilang beses umanong kinuhanan ng hubad na larawan ng suspek ang dalagita kasama ang ilan pang menor de edad sa condominium ng matanda.

Inanyayahan daw ang mga menor de edad sa party sa kaniyang unit pero gagagawan pala ng kalaswaan.

Wala naman umanong magawa ang mga dalagita dahil ayaw silang palabasin ng suspek sa condo kung hindi maghuhubad.

Hinalay din umano ng suspek ang ilang dalagita.

Agad nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Makati City police si Mary nang malaman ang sinapit ng anak kaya naikasa ang entrapment operation.

Ayon sa pulisya, hindi bababa sa 10 bata ang nabiktima ni Cosme na nasa edad 12 hanggang 16.

Tumangging magbigay ng panayam si Cosme pero itinanggi niyang ginalaw niya ang mga bata.

Depensa niya, katuwaan lang ang panlilibre niya sa mga bata at pagkuha ng kanilang mga retrato.

Nahaharap sa kasong rape ang suspek.

Hinihikayat naman ng Makati police ang ibang maaaring nabiktima ni Cosme na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.