3 senador, 'plastik', dating humingi ng suporta ni Duterte: Davao mayor

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 08:55 PM

Alegasyon ng isang senador, may nangha-hack sa e-mail ng staff niya

Bumira si Davao City Mayor Sara Duterte laban sa mga senador na sina Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, at Risa Hontiveros.

Bahagi ang tatlo ng grupong "Tindig Pilipinas" na kritiko ni Duterte lalo na ng kaniyang war on drugs.

Ito rin ang grupong nananawagang pumirma sa waiver si Duterte para masilip ng publiko ang laman ng kaniyang bank accounts.

Sa isang post, tinawag ni Sara ang Tindig Pilipinas na "Hunger Games ng Pilipinas".

Inakusahan din ng alkalde sina Pangilinan, Trillanes, at Hontiveros na mga "plastik" at "oportunista" na nagpatulong umano noon kay Duterte bago ang halalan ng 2016.

Ani Sara sa post, hiniling noon ni Pangilinan ang suporta ni Duterte. Balak daw noong kumandidatong pangulo ni Pangilinan at naniniwala siyang makatutulong ang misis niyang si Sharon Cuneta at ang endorsement ni Duterte sa kandidatura.

Tinira naman ni Sara ang foundation o ang make-up sa mukha ni Hontiveros na aniya'y ilang beses nangulit sa alkalde para lang makakuha ng suporta mula sa Davao City. 

Simula noon naman, hindi raw gusto ni Sara si Trillanes dahil sa papel niya sa paglusob dati sa isang hotel sa Makati. Kaya tinanggihan niya ang hiling noon ni Trillanes na makipagkita para humingi ng suporta sa kampanya sa pagka-bise presidente. Hiniling din daw ni Trillanes ang suporta noon ni Duterte.

Kaya tanong ni Sara sa tatlong senador, mananalo kaya sila kung walang boto ng Mindanao?

Hindi itinanggi ng 3 senador

Nagbigay naman ng reaksiyon ang tatlong senador na tinira ni Sara.

Sagot ni Pangilinan, patunay ng pagtanaw niya ng utang na loob ang mga proyektong ibinigay niya sa Davao City.

Sabi rin ni Pangilinan, mas makikinabang talaga siya kung sasama na lang sa agos ng sumusuporta kay Duterte 

Pero giit ni Pangilinan, kailangang magsalita tungkol sa araw-araw na patayan at mga lumulusot na shabu sa Customs.

Ikinalungkot naman ni Hontiveros ang sinabi ni Sara pero hindi niya raw ito pinepersonal.

Sabi niya, hindi ito tungkol sa loyalty kundi sa tunay na serbisyo, prinsipyo, at pagdepensa sa proseso ng batas at karapatang pantao. 

Sagot naman ni Trillanes, humingi siya ng tulong dati kay Duterte dahil di pa raw niya alam ang tunay na kulay noon ng Pangulo.

 E-mail hacking sa staff ng senador

Nagpasaklolo naman sa National Bureau of Investigation, Department of Information and Communication Technology, at sa Armed Forces of the Philippines si Senador Bam Aquino para mahuli ang nasa likod ng umano'y pangha-hack at posibleng identity theft matapos ma-access nang hindi awtorisado ang e-mail ng kaniyang mga staff.

Kuwento ni Aquino, Setyembre 25 nang simulang mapansin ng staff niya ang mga draft e-mail na hindi naman daw sila ang lumikha.

Ipinakita rin ni Aquino ang hitsura ng subject line na nakalagay “leaked media plan to destroy PRRD”, gayundin ang ibang tila normal na e-mail line sa mga e-mail pero naglalaman ng attached file na maaring virus o programang makapagha-hack sa gamit na gadget o computer.

Dalawang e-mail addresses ng mga staff ni Aquino ang napasok ng hacker habang tatlong e-mail addresses naman ng mga staff ni Liberal Party (LP) president Senador Kiko Pangilinan ang nadamay rin simula pa noong Marso. 

Naniniwala si Aquino na nais ng nasa likod ng pangha-hack na palabasing may destabilization plot ang LP.

“Itong mga e-mail na ‘yan, pinapadala sa mga iba-ibang tao, ‘o see, galing sa staff ng isang senador’. So, it’s actually planting new evidence, more than anything else. And palagay ko, it’s to plant evidence para in the future may masasabi na mayroong conspiracy, or kuwento, mayroong naratibo, ito ‘yong mga ebidensiya,” ani Aquino.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Zandro Ochona, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.