'Tokhang, labag sa batas'; drug war, inihabilin ni Duterte sa PDEA

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 10:13 PM

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang biktima umano ng kampanya kontra droga para kuwestiyonin ang panuntunan sa pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa "Project: Double Barrel". 

Itinalaga naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maging tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Ayon sa abogadong si Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na tumutulong sa mga nagreklamo, hindi naaayon sa Saligang Batas ang command memorandum circular ng PNP tungkol sa kampanya kontra droga na mas nakilala na bilang "tokhang". 

Ani Diokno, pinahihintulutan umano nito ang pulis na pumatay ng pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga, at drug personalities.

Sa pagbuo ng "drugs watchlist", binabalewala umano ng PNP ang due process o ang legal na prosesong dapat pagdaanan ng kahit na sino'ng idinadawit sa anumang kaso.

Ito'y sa kabila ng pagtiyak ng memorandum na igagalang ang karapatan ng akusado sa ilalim ng Konstitusyon.

Sabi ni Diokno, sa halip na humarap sa korte ang isang isinasangkot sa droga, mistulang na-'shortcut' ang hustisya dahil napapatay na agad ang mga suspek.

"Our problem with the government's war on drugs, is that it is all about shortcutting the justice system by dispensing justice from the barrel of guns instead of justice from gavels of judges," ani Diokno.

Hiniling din ng FLAG na aksiyonan ng Korte ang mga kaso ng mga umano'y nanlaban at napatay sa kampanya kontra droga.
 
PDEA, hindi PNP

Inutusan naman ni Pangulong Duterte ang PDEA bilang tanging ahensiyang magsasagawa ng mga operasyon sa ilalim ng kampanya kontra droga. 

Inatasan ang PNP na panatilihin ang police visibility.

Paliwanag ng Pangulo, ito'y para ilagay sa ayos ang kampanya kontra droga.

Handa namang sumunod ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI) sa kautusan. 

Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos, tututok ngayon ang pulisya sa pagsugpo ng krimen at paglinis sa kanilang hanay. 

Tututukan naman muna ng NBI ang kampanya kontra katiwalian, human trafficking, at pag-imbestiga ng mga kaso ng pagpatay. 

Saad ng pahayag ni NBI Director Dante Gierran: "We welcome Malacañang's decision as this will give the NBI the opportunity to focus on the government's campaign against corruption, human trafficking, and its mandate on investigating cases of unsolved killings."

Mas maliit ang budget at bilang ng tauhan ng PDEA kung ikukumpara sa pondo ng PNP.

May panukalang pondong P900 milyon ang PNP para lang sa kampanya kontra droga nito. 

Kabuuang P131.3 bilyon ang hinihiling na pondo ng PNP para sa 2018.

May panukalang P2.59 bilyong pondo naman ang PDEA para sa susunod na taon.

-- Ulat nina Willard Cheng, Pia Gutierrez, Niko Baua, at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.