Palengke sa Koronadal, bahagyang napinsala ng apoy

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 01:54 PM

Nasa 350 tindero ang nasunugan matapos lamunin ng apoy ang kalahating bahagi ng Koronadal Public Market sa South Cotabato nitong Martes ng gabi.

Laking gulat ng mga nagtitinda sa palengke nang sumiklab ang apoy alas-9 ng gabi.

Masusing binantayan ng ibang tindero ang kanilang puwesto sa takot na masalisihan ng mga kawatan.

Ayon kay Allan Matinong, pangulo ng Koronadal Public Market Vendors Association, nasa 740 ang mga umuupang vendor sa palengke.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Koronadal Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa mismong loob ng palengke, partikular sa tindahan ng mga tsinelas na katalikuran ang isang karinderya.

Hindi pa natitiyak ng BFP ang sanhi ng sunog.

Patuloy pang inaalam ang kabuuang pinsala ng insidente.

Umabot ng halos limang oras bago tuluyang naapula ang apoy.

-- Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.