Estudyanteng hahalayin, nakatakas dahil puno ang pinagdalhang motel

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 09:54 PM | Updated as of Oct 11 2017 10:29 PM

Matinding trauma ang inabot ng biktimang si alyas "Sarah" sa naranasang kahalayan sa driver ng nasakyang taxi.

Sumakay sa taxi si Sarah galing sa isang mall kasama ang isang kaibigan.

Kuwento ng biktima, pagkababa ng kasama, tinutukan na siya ng driver ng kutsilyo. Pilit daw na pinahahawakan sa kanya ang ari ng driver.

Dinala rin daw ng driver si Sarah sa isang motel.

Pero dahil puno raw ang motel, nakakuha ng pagkakataong makalabas ng taxi at makatakas si Sarah.

Noong Martes, Oktubre 10, sa tulong ng ilang kasama sa kanilang simbahan at barangay, tinangka pang hulihin ang suspek sa isang entrapment operation.
 
Nakuha ng driver ang number ng biktima matapos daw pakialaman ang kaniyang cellphone, kaya't nag-text pa ang driver kay Sarah. 

Nakipagkita ang suspek sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
 
Nilapitan ng driver si Sarah habang nakapaligid ang ilang huhuli sana pero mabilis na nakapiglas at nakatakas ang suspek noong dadakpin na.

Naplakahan at natandaan ng biktima ang taxi ng suspek. 

Napag-alamang nakarehistro sa New Qualitrans ang taxi ng suspek.

May plate number itong UVG 945.

Ipinagbigay-alam na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga awtoridad ang impormasyon para agad na mahuli ang suspek.

Sa susunod na linggo inaasahang haharap sa pagdinig ang operator ng taxi.

Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kasong kriminal ang driver.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kumuha ng pahayag mula sa New Qualitrans pero hindi sumasagot ang kanilang kampo.

-- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.