Doktor, 2 dating pulis huli sa drug bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 08:01 AM | Updated as of Oct 11 2017 11:12 AM

MANILA - Naaresto ang isang doktor, 2 retiradong pulis at 4 na iba pa sa magkasunod na drug buy-bust operations sa Quezon City, Miyerkoles ng madaling-araw. 

Unang nahuli sa Barangay Doña Imelda ang live-in partners na si Mark Anthony Pangilinan at Maybell Tulang. 

Inamin ni Pangilinan na ilang buwan na siyang bumibili ng shabu mula sa doktor. 

Dinala niya at ni Tulang ang mga pulis sa doktor at 4 kasama nito, na nahuli naman sa kanto ng Sct. Borromeo Street at Quezon Avenue. 

Nakuhanan ang grupo ng 8 pakete ng shabu. 

Itinanggi ng orthopedic doctor na si Amante Valdepenas na nagbebenta siya ng shabu. 

Gayunman, inamin ng ilang kasama niya na nag-text sa kanila si Valdepenas para sabihing "may supply" na siya. 

Kasamang nahuli ng doktor si retired PO3 Almario Cristobal at kinakasama nitong si Leni de Guzman. 

Sinabi ni Cristobal na nagsimula siyang gumamit ng shabu nang mag-retiro. Nakilala umano niya ang doktor matapos magrekomenda ng isang pasyente. 

Samantala, itinanggi naman ni retired PO1 Rommel Nogoy na gumagamit siya ng droga. Aniya, dati na niyang kakilala si Valdepenas at niyaya lamang siya ng doktor na makipagkamustahan sa isang binggohan. 

Nadamay rin sa pag-aresto ang driver ng doktor na si Raymond Valle. 

Pansamantalang ikinulong ang 7 naaresto sa Galas Police Station dito sa Quezon City. 

Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.