De Lima, nasaktan sa pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon niya

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 06:07 PM

Masama ang loob ni Senador Leila de Lima sa naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang petisyon na ipawalang-bisa ang pag-aresto sa kaniya. 

Ayon sa senador, damang-dama na ngayon ang lawak ng impluwensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"I am deeply saddened and pained by the Supreme Court decision dismissing my petition...The SC’s majority decision tells us the extent to which Dutertism has distorted reason, suppressed the truth, and rejected the primacy of conscience," ani De Lima. 

Sa botong 9-6, pinagtibay ng Korte Suprema ang hurisdiksiyon o kapangyarihang ng Muntinlupa Regional Trial Court na dinggin ang mga kaso laban kay De Lima.

Ang isyu ng hurisdiksiyon ang pangunahing laman ng petisyon ni De Lima, na nais ipaubaya sa Office of the Ombudsman ang pag-iimbestiga sa kaniya at hindi sa Department of Justice.

Pinasalamatan naman niya ang anim na mahistradong bumoto upang pagbigyan ang kaniyang petisyon. 

"I take heart though in the thought that six dissenters - all venerable magistrates - stood their ground. I honor them with a profound thanks and admiration for their courage and fealty to their sworn duty," ani De Lima. 

Ang mga bumoto pabor kay De Lima ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio, at mga Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, Benjamin Caguioa, Francis Jardeleza, at Justice Marvic Leonen. 

Plano pa ni De Lima na iapela ang naging desisyon ng Korte Suprema. 

Inakusahan si De Lima ng pakikipagsabwatan sa mga drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison noong siya ay kalihim pa ng Department of Justice.

Ayon sa testimonya ng mga convict, pinayagan sila ni De Lima na ipagpatuloy ang kanilang negosyo sa droga kapalit ng pagpopondo sa kaniyang pagtakbo sa Senado. 

Nakapiit si De Lima sa Camp Crame simula pa noong Pebrero 24. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.