'Bakit hindi P1.50?': LTFRB, inusisa ang hirit na P2 dagdag-pasahe sa jeep

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 09:31 PM

Bigo ang ilang grupo ng mga jeepney operator na kumbinsihin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan ang kanilang hiling na P2 dagdag sa minimum fare sa jeep.

Ayon sa LTFRB, mahigit 3 milyong pasahero ang apektado sakaling magtataas ang pasahe sa jeep sa P10 mula sa kasalukuyang P8.

Nitong Miyerkoles, Oktubre 11, limang transport groups ang humarap sa LTFRB.

Anila, kakailanganin ang dagdag-pasahe para makahinga ang mga operator sa gagastusin sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

Bukod sa gastusin sa modernization, patuloy umano ang pagtaas ng presyo ng gasolina at piyesa ng sasakyan.

Pero iniurong sa Oktubre 24 ang pagdinig sa dagdag-pasahe dahil hindi sapat ang dalang dokumento ng mga grupo, ayon sa LTFRB.

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB, kinakailangan pang bigyan ng sapat na basehan ng mga operator ang dagdag-pasahe.

"The petitioners have to justify the P2 increase nila. Bakit nila sinasabing P2, bakit hindi P1.50?" ani Lizada.

Pinagsabihan din ng LTFRB ang mga operator ukol sa hindi kaaya-ayang hitsura ng ilang ipinapasadang unit, gayong tinaguriang "hari ng kalsada" ang mga jeep.

Pinaalala rin ng LTFRB ang kahalagahan ng disiplina sa mga driver.

Nilinaw naman ng mga kasapi ng mga grupong humarap sa LTFRB na hindi sila sasama sa malawakang protesta ng ibang transport group sa susunod na linggo.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.