4 patay sa away pamilya sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 05:43 PM

NEGROS OCCIDENTAL - Patay ang apat na tao kabilang ang isang limang taong gulang na bata dahil sa away pamilya sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental Miyerkoles ng umaga.

Nagsimula ang insidente Martes ng gabi nang saksakin ni James Labiga, 27 taong gulang, ang kanyang pamangkin na si Kerwin Royo, 22 taong gulang, dahil sa hindi pagkakaunawaan at mga nakaraang alitan.

Namatay si Royo sa insidente.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, bigla na lamang giniba ni Labiga ang bakod ng bahay ni Royo nang mapadaan ito.

Nagkainitan ang dalawa hanggang sa saksakin ni Labiga si Royo.

Kinaumagahan ng Miyerkoles, nagpunta ang tiyuhin ni Royo na si Ernesto at kapatid nitong si Fritz, sa bahay ng kaibigan ni Labiga kung saan ito nagtatago.

Pumasok si Ernesto at binaril si Labiga. Naipagtanggol ni Labiga ang sarili gamit ang isang patalim.

Nagpatuloy ang away sa pagitan ni Ernesto at Labiga sa loob ng maliit na kubo, kung saan natutulog ang limang taong gulang na anak ng kaibigan ni Labiga.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, aksidenteng tinamaan ng bala sa ulo si John Michael Mirano na siyang ikinamatay nito.

Kapwa namatay sa tama ng bala at saksak sina Ernesto at Labiga.

Isinugod naman sa ospital si Fritz na sugatan rin sa insidente.

Haharap ito sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.