Ilang bahagi ng Metro Manila, binaha

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2016 08:00 AM

MANILA - Lumubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa ilang oras na pag-ulang dala ng thunderstorm, Lunes ng gabi.

Dahil dito, maraming motorista at commuter ang na-stranded sa mga daan.

Sa Maynila, naranasan ang gutter deep hanggang kalahati ng gulong na tubig-baha sa Roxas Boulevard dakong alas-2 ng umaga.

Halos hindi naman umusad ang mga sasakyan dahil sa baha sa kahabaan ng U.N. Avenue.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), binaha rin ang tapat ng Manila City Hall, at ilang bahagi ng España Boulevard.

Pinag-ingat din ng MMDA ang mga motorista sa pagbagtas sa EDSA sa bahagi ng Quezon City, matapos mapadulas ng pag-ulan ang kalsada.

Umabot naman ng gutter deep ang baha sa national highway malapit sa Muntinlupa City Hall.

Binaha rin ang ilang parte ng Gil Puyat Avenue, Mayapis, Malugay at Kamagong sa San Antonio sa Makati, gayundin ang Maysilo Circle sa Mandaluyong.

Nagsimula nang humupa ang baha sa mga naturang lugar Martes ng umaga.

Patuloy namang makakaranas ng pag-ulan ang kanlurang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon ngayong araw dahil sa habagat, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at sa mga rehiyon ng Calabarzon, Cordillera, Ilocos, Gitnang Luzon, Zamboanga Peninsula, Soccskargen, Davao at sa lalawigan ng Occidental Mindoro at Palawan.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang iiral sa nalalabing bahagi ng bansa.

-- May mga ulat nina Bianca Dava, ABS-CBN News; Dennis Datu, Zhander Cayabyab at Hajji Kaamiño, DZMM