UCPB sa CamSur, pinasok ng 'Termite Gang'

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 08:06 AM

Photos by Kate Delovieres

Photos by Kate Delovieres

Photos by Kate Delovieres

Photos by Kate Delovieres

CAMARINES SUR - Isang bangko ang nilooban ng mga hinihinalang miyembro ng "Termite Gang" sa Limbanan, Camarines Sur.

Ayon sa pulis, bandang alas-diyes Lunes ng umaga nang madiskubre ng bank manager ang pagnanakaw sa mismong vault ng United Coconut Planters Bank (UCPB).

Sa loob ng bangko, may isang hukay ang nadiskubre malapit sa vault. Ito ay tinatantsang nasa isang metro ang lalim at nasa lima hanggang pitong metro ang haba.

Natunton ang dulo ng hukay sa katabing apartment na pagmamay-ari ng isang Adelaida Aljeri. Sa tantya ng pulis, posibleng Linggo pa ng umaga nakapagnakaw ang mga suspek.

Nakuha ng awtoridad ang iba't-ibang gamit tulad ng jack, acetylene tank, electric grinder, lagari, crowbar at maduming mga damit na pinaniniwalaang suot ng mga suspek ng ginawa ang krimen. 

May naiwan pang sako na may laman na mga barya galing sa bangko.

Napagalaman ng Libmanan police na 4 hanggang 5 katao ang nag-renta kasama na ang isang babae na nakipag-transaksyon sa may-ari na si Aljeri.

Plano umano ng mga itong maglagay ng computer shop kaya humingi ang mga ito ng permiso na irenovate ang apartment. 

Dahil dito, hindi na umano nagduda ang mga kapitbahay maging ang mga empleyado ng UCPB kahit nakakarinig na ang mga ito ng pukpok ng semento galing sa naturang apartment.

Sa estilo ng pagnanakaw, isang grupo na tinatawag ngayong "Termite Gang" ang iniimbestigahan ng mga pulis, ayon kay PO1 Junella Atacador, imbestigador ng Libmanan Municipal Police Station.

Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang may-ari ng apartment na si Aljeri subalit wala umano ito. 

Tumanggi naman sa panayam ang pamunuan ng UCPB. Sa ngayon kasi, inaalam pa nila kung magkano ang nanakaw na pera at kung may iba pang ninakaw ang mga suspek.

May hawak na ngayon na security footage ang pulis mula sa barangay na posibleng makakapagturo sa mga suspek.