Ubial, tinanggihan bilang Health secretary

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:07 PM

Hindi kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) si Paulyn Jean Ubial bilang kalihim ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Senador Gringo Honasan, 13 miyembro ng CA ang bumoto para hindi makumpirma ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Ubial. 

Si Ubial na ang ikalimang appointee ni Duterte na hindi nakalusot sa makapangyarihang CA.

Nagpahayag naman ng panghihinayang ang Palasyo sa hindi pag-kumpirma kay Ubial.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nagpapasalamat sila sa serbisyo ni Ubial bilang Health secretary.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng DOH na si Dr. Cora Flores na handa silang makipagtulungan sa mapipiling kapalit ni Ubial pero inamin nilang hindi ito magiging madali.

"It would be understandably difficult to lose the momentum the agency has gained in its work under Secretary Ubial in the past 15 months," ani Flores.

Ang Health Justice Philippines naman, humihingi ng paliwanag sa naging desisyon ng CA. 

"We are saddened and shocked by this decision. She is more than qualified for the post. Her track record speaks for itself...We seek an explanation from those who opposed her appointment," ayon kay Mary Ann Fernandez Mendoza, presidente ng nasabing grupo. 

Pero ang hindi pagkakakumpirma ni Ubial ay ikinatuwa naman ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque.

“We averted a major public health disaster with the non-confirmation of Ubial. The DOH deserves a decisive leader and I call on President Duterte to appoint an exceptional doctor with proven managerial skills to head the DOH,” pahayag ni Roque. 

Isa si Roque sa mga pormal na kumontra sa pagtatalaga kay Ubial sa DOH. 

Matapos ang kaniyang pagkaka-reject, emosyonal na sinabi ni Ubial na nirerespeto niya ang desisyon ng CA at bukas pa rin siya sa pagsisilbi sa gobyerno. --Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.