TINGNAN: 2 butanding, namataan sa Pangasinan

Patricia Louise Mendoza, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 05:21 PM

Namataan ang 2 butanding sa San Fabian, Pangasinan noong Linggo ng hapon.

Namataan ang 2 butanding sa San Fabian, Pangasinan noong Linggo ng hapon.

Namataan ang 2 butanding sa San Fabian, Pangasinan noong Linggo ng hapon.

Sa pambihirang pagkakataon, muling bumisita ang dalawang butanding o whale shark sa Lingayen Gulf sa bayan ng San Fabian, Pangasinan noong Linggo ng hapon.

Noong Mayo 2013, halos araw-araw nasilayan ng mga turista ang mga butanding sa San Fabian. Taong 2001 naman nang unang namataan ang mga butanding sa mga baybayin ng Pangasinan.

Ayon sa bantay dagat, taon-taon na raw bumibisita ang mga butanding lalo na kung tag-init o kung panahon ng alamang at dilis.

Magiliw namang lumapit at sandaling nakipaglaro ang mga butanding sa sinasakyang bangka ng mga turista.

Pinaniniwalaan daw dati ng mga mangingisda na hudyat ng kakaunting ani ang pagdating ng mga butanding.

Pero sa pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, palatandaan daw ito na marami pang pagkain at yumayaman ang biodiversity ng Lingayen Gulf.

Ayon sa mga bantay dagat, nasa 15 talampakan o kasing laki ng isang minibus ang namataang mga butanding.

Habang nasa anim na talampakan ang batang butanding na mailap umano sa tao.

Patuloy naman ang paalala ng awtoridad na kung makakita man ng butanding o iba pang endangered species ay huwag itong saktan o lapitan.

Iwasan din ang paggamit ng dinamita tuwing nangingisda. Bukod sa napapatay nito ang mga maliliit na isda at corals, nabibingi rin daw ang mga butanding—dahilan din para masira ang kanilang "sense of direction."

Bagamat masama ang panahon, inaasahan pa rin ng mga bantay dagat at Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ang pagbisita ng mga butanding na inaasahang magiging atraksyon muli ng bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.