Negosyante, patay sa pamamaril sa Quezon City

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 06:10 AM

Patay ang may-ari ng isang manukan matapos pagbabarilin sa harap mismo ng kanyang pwesto sa Commonwealth Market, Quezon City Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Rommel Roque.

Nagkakape lang sa labas ng pag-aaring manukan si Roque nang lapitan siya ng dalawang lalaki at pinagtulungan paputukan pasado ala-una ng madaling araw.

Nasa loob noon ng pwesto ang nakatatandang kapatid ng biktima na si Janifer na nakarinig ng magkakasunod na putok ng baril hindi bababa sa walo.

Ayon kay Janifer, nakasuot ng dilaw at berdeng t-shirt ang gunmen na naglakad lang paalis. Nakatalukbong din ng tuwalya ang mga suspek.

Hindi naman daw nakakilos si Janifer para tulungan ang kapatid dahil sa takot.

Tingin niya, away sa negosyo ang motibo ng pamamaril kay Roque.

Bago pa lang daw kasi buksan ang pwesto sa palengke noong nakaraang buwan, nagsabi na si rommel na hihingin ang tulong ng kapatid dahil may banta sa buhay niya mula sa mga kakompetensya.

Dagdag pa ni Janifer, walang bisyo si Roque at malinis din ang record nito sa barangay.

Namatay din sa pamamaril ang dating asawa ni Roque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.