Ilang taxi driver na hilig ang 'kontrata', bistado sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 09:05 PM

Nag-undercover ang ilang tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mahuli ang mga pasaway na taxi driver.

Sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, humingi agad ng dagdag-pasahe ang isang taxi driver pagsakay pa lang ng mga pasahero.

Hinihingi ng driver ang P400.00 pero umalma ang pasahero at nagtanong kung bakit hindi puwedeng i-metro na lang.

Sabi ng driver, malulugi daw siya dahil P300 lang ang papatak sa metro.

Ang hindi alam ng taxi driver, tauhan na pala ng LTFRB ang pumara sa kaniya.

Kaya agad siyang hinuli pagkatabi niya ng taxi sa gilid ng kalsada.

Depensa ng driver na si Jose Llemos, humihingi siya ng dagdag dahil matindi ang trapiko.

Sa apat na beses na pumara sa airport ang taga-LTFRB, apat na beses ding nangontrata ang mga natiyempuhang taxi driver.

Pagdating sa Baclaran, nakahuli pa ng isa pero "sunog" na ang operasyon dahil may nagtimbre na sa mga taxi.

Ipapatawag para sa pagdinig ang mga operator ng mga nahuling taxi at pagmulultahin pa ng P5,000.00.

Ayon sa LTFRB, hindi ito ang una at huling beses na manghuhuli sila ng mga pasaway na taxi driver.

Naniniwala rin naman ang LTFRB na kapag nagsimula nang umepekto ang taas-pasahe sa taxi, mababawasan na ang mga pasaway na taxi driver.

-- Ulat ni Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.