5 notoryus na 'tulak-droga', nakatakas sa Koronadal jail

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2016 06:23 PM

MANILA -- Limang high-value inmates ang nakapuga mula sa Koronadal district jail sa South Cotabato, Sabado ng madaling-araw.

Sangkot ang lima sa mga malakihang transaksyon ng iligal na droga sa lalawigan, ayon kay police Superintendent Barney Condes, hepe ng Koronadal police. 

Nakatakas anya sila matapos lagariin ang rehas ng kanilang piitan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng charter anniversary ng lungsod. 

Maaari rin umanong sinamantala ng mga preso ang ingay mula sa beauty contest sa kalapit na palengke. 

Naglunsad na ang pulisya ng manhunt operation para sa mga presong sina: 

- Christopher Manalang, may kasong selling at possession of dangerous drugs at naaresto nitong Augosto;
- Roselito Delfin, may kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at natimbog noong Hulyo;
- Federico Abaygar alyas "Alog", nahuli noong Setyembre 2015; 
- Roel Austria, dating pulis na nahuli sa pagbebenta ng bawal na gamot noong 2012; at 
- Edar Triad na nahuli rin dahil sa droga. 
 
Na-relieve na sa pwesto ang warden ng Koronadal district jail habang posibleng sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang tatlong guwardyang naka-duty noong Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.