Lalaking tumatawid sa pedestrian lane, patay matapos mabundol

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 12:04 AM

Patay si Paul John Ermac matapos mabundol at makaladkad ng isang pick-up truck sa South Cotabato, Biyernes ng gabi.

Patay ang isang lalaking tumawid sa pedestrian lane matapos mabundol at makaladkad ng isang pick-up truck sa Polomolok, South Cotabato nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Paul John Ermac, manggagawa ng isang chicken dressing plant.

Ayon sa imbestigasyon ng pulis, tumawid ang biktima gamit ang pedestrian lane at nasa gitna ng highway habang naghihintay makalagpas ang isang bus nang bigla itong mabundol at makaladkad ng pick-up truck.

Ayon kay James Emejas, driver ng pick-up truck, napakaliwanag umano ng ilaw ng kasalubong niyang bus, kaya hindi niya agad napansin na nasa gitna na pala ng kalsada ang biktima.

Hindi na umano niyang nagawang maiwasan ang biktima at huli na nang makapagpreno sya. 

Agad sumuko ang suspek sa pulisya at sinabing handa niyang haharapin ang isasampang kaso.

Ayon sa ilang residente, madalas na may aksidente sa lugar.

Kaya dapat umanong lagyan ng street lights ang highway at dapat ding magkaroon ng speed limit zone para maiwasang magpatakbo nang mabilis ang mga driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.