Unit sa condo sa Ortigas nasunog

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 09:16 AM

Tinupok ng apoy ang isang unit sa isang residential building sa kanto ng Julia Vargas Avenue, Emerald Avenue, at Garnet Road sa Ortigas Center, Pasig City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na nagsimula ang apoy sa unit ni Lara Rellora sa ika-31 na palapag ng Currency Tower bandang alas-4 ng madaling araw.

Ayon kay Rellora, nagising siya na nagliliyab ang kanilang air-conditioning unit, kaya agad siyang tumawag sa security para magpatulong makakuha ng fire extinguisher, pero wala umano itong mahanap.

Hindi rin umano gumana ang sprinkler sa kaniyang unit.

Idineklara nang fire-out dakong alas-6:15 matapos itaas sa fourth alarm ang sunog pasado alas-5:45 ng umaga.

Nakalikas naman ang mga apektadong residente sa nasunog na palapag. - ulat nina Jekki Pascual at Kristine Sabillo, ABS-CBN News