Tangke ng tubig bumigay sa Bulacan; 3 patay, 24 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 08:14 AM | Updated as of Oct 06 2017 11:30 AM

This is a developing story.

Tatlo ang kumpirmadong namatay at nasa 24 ang sugatan matapos sumabog ang isang tangke ng tubig sa Barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan Biyernes.

Ilan sa mga sugatan ang naitakbo sa ospital, ayon kay Superintendent Fitz Macariola, hepe ng pulisya sa naturang bayan.

Ani Macariola, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Nakalapat umano sa lupa ang naturang tangke na gawa sa bakal. Ito ay may laki na 13 metersX14 meters, may taas na 3 palapag at may capacity na 2,000 cubic meters na tubig. Dalawa o tatlong taon pa lamang ito nakatayo.

Ayon kay Macariola, ginagamit ng water district ng San Jose Del Monte ang tangke at posibleng puno ito kaya bumigay.

Sa lakas ng pressure ng tubig, nasira ang ilang istraktura, mga bahay, gasoline station at isang police station. Nawalan rin ng kuryente sa lugar. 

Ayon kay Mayor Arthur Robes, regular na iniinspekyon ang tangke ng tubig. Pinag-aaralan na ng city engineering office ang nangyari. 

Patuloy naman ang clearing operations ng pulisya upang siguruhing wala nang biktima sa mga bahay na maaaring naapektuhan.

Pinapayuhan din ang publiko na huwag na munang dumaan sa Mariola exit dahil sarado na ito, at sa halip ay dumaan sa Bocaue at Santa Maria Exit papunta sa lugar.

- kasama ang ulat nina Raya Capulong at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.