Pinoy taxi driver sa Las Vegas, itinuturing na bayani matapos ang 'mass shooting'

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 10:09 PM | Updated as of Oct 06 2017 10:35 PM

Nakapila sa taxi lane papasok sa lobby area ng Mandalay Bay Hotel and Casino si Winifredo Maquindang nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril.

Naki-usyoso pa siya at ilang sandali pa ay nakunan sa camera ng taxi niya ang pagtakbo ng mga tao papalayo sa concert area kung saan nagpaulan ng bala si Stephen Paddock.

"I thought it was fireworks. I wait and wait and then he fired again, the second time the glass was falling down in the ground. So I know this is real now. I left, pumunta ako sa scene kung anong nangyayari, doon sa nakita ko, parang warzone doon yun eh," ani Mang Winifredo.

Lima lang ang kasya sa taxi ni Mang Winifredo pero pinagkasya niya ang dagdag na dalawa pang sugatan sa trunk ng kaniyang taxi.

"Puno ng dugo ‘yung van. Nung nandoon na ako sa sasakyan, tumakbo ako ng 80 miles per hour na walang pahinto-hinto. Para akong police car o ambulance," kuwento niya. 

Habang nagmamaneho, dasal ni Mang Winifredo na makaligtas ang mga sakay nya lalo't matitindi ang tama ng ilan.

“Palagay ko yung isa sa likod, sa neck [ang tama]. Sinabi ko 'hold on, hold on yourself, I will drive you safe'. Ang hirap kasi maraming stop light kang papasukan."

Pagkatapos maibaba sa ospital ang mga sakay niya, sinubukan pa ni Mang Winifredo bumalik para tumulong muli pero sarado na ang mga daan.

Bumilib kay Mang Winifredo ang mga boss niya sa kumpanya lalo't apat na araw pa lang siya sa trabaho nang mangyari ang insidente.

"It was an amazing act of bravery...Some of them might have died if he didn't step up. I'm just extremely proud of him" ani Joel Willden na boss ni Mang Winifredo.

Isa lang ang ginawa ni Mang Winifredo sa mga kwento ng kabayanihan sa gitna ng tinaguriang worst mass shooting in modern US history. 

--Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.