Pinaslang na estudyante sa Rizal, tanging 'pag-asa' sana ng pamilya

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 08:30 PM

Masama ang loob ng pamilyang kumupkop sa estudyanteng pinatay kasama ang nobyo sa Rodriguez, Rizal, na parehong natagpuan sa talahiban noong Miyerkoles. 

Karumal-dumal na pinaslang sina Charmaine Villarias at John Vincent Umiten, na parehong nakagapos pa nang makita ng isang guwardya. 

Ayon sa pinsan ni Villarias, pinag-aral nila ang biktima para sana mai-ahon sa kahirapan ang mga kapatid at magulang niya sa Mindanao.

"Gusto talaga kita makatapos at maayos mo ang buhay mo at matulungan ang mga magulang mo," ani Rialyn Ergina, pinsan ni Villarias. 

Kinuha ni Ergina ang pinsan mula sa Iligan City para pag-aralin ng information technology sa Colegio de Montalban.

Graduating na dapat sa susunod na taon ang biktima. 

"Kinuha ko siya para kahit isa man lang sa kanila ang makatapos. 'Di naman ako nag-kulang, palagi ang advice ko araw-araw 'wag ka pupunta sa ganyan, umuwi ka nang maaga' kasi ang panahon ngayon iba," sabi ni Ergina. 

Halos hindi na makilala ang bangkay ni Villarias dahil hinampas umano ng matigas na bagay sa mukha nito. 

Sinakal rin ito at hinihinalang ginahasa pa.

Nanggagalaiti si Ergina sa mga tao sa likod ng krimen. 

"Sana mahuli ka na at panagutan ang ginawa mo. Sobra sobra ginawa mo sa pinsan ko. Sinayang mo ang buhay na siya lang ang pag-asa ng pamilya," ani Ergin.

Pinuntahan ng hepe ng Rodriguez Police ang foreman na nakarinig umano sa komosyon madaling araw ng Miyerkoles. 

"Sumigaw lang siya na 'wala sa usapan' sabi 'hawakan mo.' Siguro ayaw magpahawak ng babae, pumapalag eh, nanakbo. Saka sumigaw. Dun ko narinig kasi may flashlight ako," salaysay ni alyas "Henri."

Pero duda dito ang isang residente.

Malapit lang umano ang bahay nila sa pinangyarihan ng krimen pero wala raw siyang narinig na kahit anong sigawan.

"Nakapagtataka na sila may narinig kami walang narinig. Normally po pag gabi rito hindi ho siya maingay kaya may possibility po na kung may sigawan man, maririnig namin sa sobrang tahimik dito," diin ng residente. 

Nakausap din ng mga pulis ang isa sa mga security guard na nakadiskubre sa mga bangkay.

Dahil sa ilang insidente ng holdapan na naitala sa lugar, itinuturing na persons of interest ang mga dating nasangkot sa panghoholdap sa lugar.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.