Pekeng dentista, natimbog habang may 'ginagamot' na pasyente

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 05:36 PM | Updated as of Oct 06 2017 08:08 PM

Timbog sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pekeng dentista na nagpapatakbo ng isang klinika sa Calabanga, Camarines Sur. 

Napag-alaman ng awtoridad na si Nonielon Olbes ay nagtatrabaho bilang dentista kahit walang lisensya, na paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007.

Bagaman nakapagtapos ng dentistry, hindi umano ito pumasa sa board exams. 

Ayon kay NBI-Naga City Special Investigator Rex Solano, maaaring patawan si Olbes ng multa na hindi bababa sa P200,000 at puwede ring makulong ng dalawang taon, depende sa hatol ng korte. 

Nadatnan pa ng mga awtoridad sa clinic si Olbes na may pasyente, na nakapag-down na umano ng P2,000 para sana bunutan ng ngipin.

Nakapangalan sa isang Dr. Gerson Verdejo ang dental clinic na ginagamit ni Olbes.

Ayon sa Philippine Dental Association (PDA), lisensyadong dentista si Verdejo pero sa Amerika na nakatira simula pa noong 2008.

"[T]initingnan natin yung conspiracy nila na alam niya yung ginagawa nito na unlicensed and yet pinapagamit yung kaniyang klinika," ani Jessie Albeus ng PDA. 

Kinumpiska ng awtoridad ang mga gamit sa klinika.

Paalala nila sa publiko, siguraduhing lehitimo ang pupuntahang dentista para iwas-peligro. 

--Ulat ni Rona Nuñez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.