Mga miyembro ng Aegis Jvris na hindi taga-UST, iniimbestigahan na rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 10:17 PM | Updated as of Oct 06 2017 10:42 PM

Iniimbitahan na rin ang mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na hindi nag-aaral sa University of Sto. Tomas (UST), upang magpaliwanag at maimbestigahan kung may naging partisipasyon sila sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III. 

Dumating sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ni Lennert Galicia, isa sa mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity.

Lumabas ang pangalan niya sa kumalat na group message umano ng fraternity kung saan sa birthday party niya dapat magkikita ang grupo. 

Nagsilbing witness ang kaniyang girlfriend at tauhan sa bahay para magpatunay na nasa kaniyang party siya sa Bulacan at wala sa sinasabing nangyaring hazing. 

Ayon sa pamilya, wala na si Lennert sa UST at sa Bulacan State University na nag-aaral pero hindi pa siya nagbibigay ng salaysay sa NBI kung aktibo pa rin siya sa fraternity.
 
Iniimbita rin ng NBI ang isa rin umanong miyembro ng fraternity na si Leo Lalusis na binanggit ni Senador Ping Lacson sa hearing. 

Nakalipat na rin umano siya mula sa UST.

Pero sa isang larawan nitong Mayo, makikitang kasama ang kaniyang pangalan sa isang event ng fraternity kung saan nakadalo sina Ralph Trangia, Ojay Onofre, at iba pang mga miyembro ng Aegis Jvris. 

Nilinaw ng NBI na iniimbita silang lahat para magpaliwanag.

Inamin din ng NBI na may ilan na rin na nagpahiwatig sa kanila para magsalita.

Isa pang testigo sa kaso ni 'Atio', hawak na ng MPD

Samantala, isa pang testigo ang hawak ng Manila Police District (MPD) na umano’y nakakita ng pangyayari sa Aegis Jvris Fraternity Library bago dinala sa Chinese General Hospital si Castillo noong umaga ng Setyembre 17.

Ayon kay alias ‘Tony’, nakita niya ang pagsakay ng tatlong lalaking buhat ang isang tao na nakabaot sa kumot at isinakay sa pulang pick up.

Nang mapanood sa TV, doon niya nalamang hazing victim ang nakita niya.

Ayon sa MPD, isasama nila ang testimonya ni Tony sa mga ebidensya laban sa mga suspek.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.