'Hepa lane' sa university belt, ipinasasara

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 08:03 PM

Ipinasasara na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga tindahan ng pagkain na binansagang 'Hepa Lane' sa mga kalye ng 'University Belt'.

Lumantad sa sorpresang inspeksiyon ng Manila Sanitation Division nitong Biyernes ang tunay na kalagayan ng mga tindahan ng pagkain na nasa kariton lang at nakahilera sa kahabaan ng R. Papa mula sa Morayta.

Walang takip at nakatiwangwang ang mga ibinibentang pagkain sa lugar na paboritong kainan ng mga estudyante.

Pinuna rin na nakasando lang ang ilang tindera.

Hindi rin umano masiguro kung malinis ang lalagyan ng tubig.

Dagdag pa rito, sa gilid lang din ng kalye isinasagawa ang pagluluto ng pagkain. 

Dumadaloy na rin sa bangketa ang mga sebo ng pinaglutuan.

Ayon sa Manila Sanitation Division, dapat sinisira na ang mga disposable na kutsara, tinidor, baso at plato pagkatapos gamitin pero hindi ito nangyayari.

Dapat din ay puro take-out lang ang order ng mga kostumer.

Maaari pa umanong makakuha ng sakit tulad ng hepatitis dahil hindi tiyak ang kalinisan ng mga ibinibentang pagkain.

Itinanggi naman ng mga may-ari ng tindahan na madumi ang kanilang ibinibenta.

Inirekomenda na ng sanitation division na buwagin ang mga tindahan ng pagkain sa university belt na natuklasang walang mga business permit, sanitary permit at health certificate. 

Samantala, bukod sa street foods, nagbabala rin ang Manila Sanitation Division tungkol sa botchang lechon.

Nito lang mga nakaraang araw, nakumpiska ng Manila Veterinary Inspection Board ang kilo-kilong double dead o botchang lechon na ibinibenta sa Paco Public Market.

Paalala nila sa publiko, huwag basta magtiwala sa murang presyo ng karne dahil maaaring kaduda-duda ang kalidad nito.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.