Dating lulong sa droga, nabigyan ng trabaho nang 'magtapos' sa rehab

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 03:11 AM

Nagtapos ang mahigit 500 sa drug rehabilitation program ng Quezon City Anti-drug Abuse Council nitong Sabado, Setyembre 30.

Kabilang sa mga "graduate" na sa paggamit ng ilegal na droga sina alyas "Ricky" at "Charlie".

Kuwento ni Ricky, nalulong siya sa ilegal na droga sa loob ng 30 taon. 

Aniya, barkada ang nagturo sa kaniyang gumamit ng shabu. 

Aminado si Ricky na walang naidulot na maganda ang kaniyang bisyo. 

Si Charlie naman nagsimulang tumikim ng shabu noong taong 2014.

Gaya ni Ricky, naengganyo sa bisyo si Charlie dahil na rin sa impluwensiya ng barkada.

Matapos sumailalim sa rehabilitasyon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, bagong buhay na ngayon ang naghihintay kina Ricky at Charlie.

Naipasok si Charlie sa trabaho sa MRT-7 project bilang flagman o taga-ayos ng trapiko.

Kabilang siya sa mahigit 100 nabigyan ng trabaho sa ilalim ng nasabing proyekto.

Si Ricky naman, naipasok bilang staff ng Barangay Holy Spirit. 

Trabaho niya ngayong hikayating magbagong-buhay ang mga tulad niyang minsang nalihis ang landas.

Sa Nobyembre, may mahigit 1,000 pang nakatakdang magtapos sa rehabilitation program ng lungsod.

Patunay naman sina Ricky at Charlie na ang mga tulad nilang minsang nalulong sa droga, may pag-asa pang magbagong buhay at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.