Blogger, nanindigang dapat may pamantayan din sila

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 02:07 AM | Updated as of Oct 06 2017 10:36 AM

Malaki ang papel ng internet sa mga Pilipino.

Sa katunayan, nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamaraming oras na inilalaan sa social media, batay sa lumabas na pag-aaral ng kompanyang "We Are Social."

Ang ilang netizens, sa social media kumukuha ng impormasyon nang hindi sinusuri kung totoo o peke ito.
    
Kaya naging mainit ang talakayan sa Senado noong Miyerkoles sa pagdinig nito ukol sa paglaganap ng fake news o pekeng balita.

Inilabas ni Senador Bam Aquino ang listahan ng mga nagkakalat ng pekeng balita, kabilang rito ang ilang gumagamit pa ng pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Para sa mga blogger ng Blogwatch PH, tila nag-aksaya lang ng oras ang Senado sa naging pagdinig ukol sa fake news. 

Napasama pa umano ang imahe ng mga blogger.

"Kahit wala kaming, as you say, journalistic standards, kasi we never claim na kami ay journalist... para sa amin, self-imposed sa'min 'yong standards," ani Jane Uymatiao ng Blogwatch PH.

Iginiit nila na dapat may pamantayan din ang mga blogger sa isinusulat nila.

Nagkainitan naman sa programang "Headstart" ng ANC nitong Huwebes, Setyembre 5, ang beteranong mamamahayag na si Ellen Tordesillas at si Trixie Angeles, social media strategist para sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ipinagtanggol ni Angeles si PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.

"All the instances that she [Uson] was wrong, she retracted," depensa ni Angeles kay Uson.

"What Mocha Uson is, embodies the Duterte administration," ani Tordesillas.

Ayon kay Luis Teodoro ng Center for Media Freedom and Responsibility, dapat pinag-usapan sa Senado ang paraan upang mabigyang solusyon ang pagkalat ng maling impormasyon.

"Ang expectation ko was they were going to talk about the bill. Ang nangyari nagkaroon lang ng mga usap-usapan. Ano ba 'yong fake news, ano ba 'yong mga accountability no'ng mga blogger?" ani Teodoro.

Ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi makalulusot ang isang panukalang batas kontra fake news o pekeng balita.

Sa halip, dapat palakasin na lang daw ang batas laban sa mali o malisiyosong impormasyon.

"Nakinig ako kanina, they would craft a law to set a standard? A, patay. That's censorship. Patay... freedom of expression. Hindi lulusot 'yan," ani Pangulo.

Para naman makaiwas na mabiktima ng fake news, narito ang ilang tips:

- Tingnan ang source ng balita, suriin kung reliable ito
- I-check sa iba pang source ang impormasyon
- Kapag napatunayang peke ang impormasyon, maiging huwag na itong ipakalat pa

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.