Bahay ng alkalde ng Maasim, sinalakay; mga baril, droga nasamsam

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 09:12 AM | Updated as of Oct 06 2017 08:05 PM

Samu’t saring matataas na kalibre ng baril, at milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng awtoridad mula sa bahay ni Maasim, Sarangani Mayor Aniceto “Jojo” Lopez sa Barangay Lumasal, Biyernes ng madaling araw.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng operating team ng pinagsanib na pwersa ng pulis at sundalo, sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 12, ang bahay ni Lopez alas-3 ng madaling araw.

Nakuha mula rito ang higit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P5-milyon, pill na hinihinalang ecstacy, traces ng umano’y shabu, laboratory equipment, iba’t-ibang klaseng high-powered firearms, mga pampasabog at mga bala, pati na rin ang listahan umano ng kanyang mga kasamahan.

Subalit, bigo naman ang awtoridad na maaresto si Lopez matapos itong makatunog sa raid.

Ayon sa PDEA-12, drug lord umano si Lopez. Siya rin daw ang coddler o protektor ng teroristang grupong Ansar Al-Khalifa Philippines o AKP. Ang AKP ay pinamumunuan ng napatay na si Mohammad Jaafar Maguid na sangkot sa iba’t-ibang krimen tulad ng pambobomba.

Patuloy pa ang pagsasagawa ng inventory at paghahalughog sa bahay ni Lopez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.