Alkalde ng Maasim na sangkot umano sa droga, sumuko kay Pacquiao

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 03:06 PM | Updated as of Oct 06 2017 03:26 PM

GENERAL SANTOS CITY (UPDATED) - Personal na sumuko si Maasim Mayor Anecito Lopez kay Senador Manny Pacquiao, ilang oras matapos na salakayin at marekober ng awtoridad mula sa kanyang bahay ang milyung halaga ng hinihinalang shabu at matataas na kalibre ng mga baril.

Si Pacquiao mismo ang nagpapunta kay Lopez sa kanyang bahay sa General Santos City para personal i-turnover sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12.

Ayon kay Pacquiao, nakumbinsi niya si Lopez na sumuko dahil kaalyado niya ito sa People’s Champ Movement sa Sarangani.

Naniniwala si Pacquiao na dapat mabigyan ng due process si Lopez lalo’t mabibigat ang mga akusasyon laban sa kanya.

Giit ni Lopez, hindi siya drug lord at narco-politician. 

Sinabi ng kanyang asawa na si Heydee Lopez na walang katotohanan ang lahat ng alegasyon laban sa alkalde. Nilinaw din niya na hindi tumakas ang kanyang mister dahil sa General Santos natulog ang kanilang pamilya kagabi.

Nakahanda naman ang alkalde na harapin ang mga kasong ibinibintang laban sa kanya.

Nakakulong na ngayon sa PDEA Bulaong Extension sa General Santos City si Lopez na agad na isinailalim sa drug test. 

"We have to respect the rule of law," pahayag ni Lopez. 

Tumanggi nang magbigay ng iba pang detalye ang alkalde dahil wala pa umano itong nahahanap na abugado.

Higit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P5-milyon, pill na hinihinalang ecstacy, traces ng umano’y shabu, laboratory equipment, iba’t-ibang klaseng high-powered firearms, mga pampasabog at mga bala, pati na rin ang listahan umano ng kanyang mga kasamahan ang narekober ng awtoridad mula sa bahay ng alkalde sa Barangay Lumasal, Biyernes ng madaling araw. May ulat nina Francis Kiko Canlas at Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.