Abogado arestado matapos magpaputok umano ng baril

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 08:25 PM

Baril na nakuha mula sa isang abogada na nagpaputok umano sa isang palayan sa Butuan City Huwebes ng hapon. Butuan City Police Station 4

BUTUAN CITY - Arestado ang isang abogado matapos magpaputok umano ng baril sa mga manggagawa sa isang palayan sa Barangay Tagabaca dito Huwebes ng hapon.

Kinilala ang inireklamong abogado na si Roland Gualbert Salise. 

Ayon sa may-ari ng palayan na tumangging ibigay ang tunay na pangalan, sinigawan ni Salise ang kanilang mga trabahante at pinaalis.

Bumunot umano ng baril sa kaniyang bag ang suspek at pinaputok ito sa lupa. Walang naiulat na tinamaan ng mga putok ng baril.

Agad rumesponde ang Butuan City Police Station 4 at Special Weapons and Tactics Team sa lugar matapos makatanggap ng tawag mula sa isang residente.

Paalis na sana ang inireklamong abogado nang abutan ng mga awtoridad. Naitago nito ang baril sa pamamagitan ng paghagis sa loob ng kaniyang sasakyan.

Ayon sa pulisya, walang maipakitang dokumento at lisensiya ang suspek para sa kaniyang kalibre 9mm na baril. 

Isinailalim sa paraffin test si Salise para malaman kung nagpaputok nga ito ng baril.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong indiscriminate firing at illegal possession of firearms.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek at ang pamilya nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.