4 patay, 1 kritikal sa bumigay na water tank sa Bulacan; anggulo ng pambobomba, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 08:37 PM

Apat ang patay at 44 ang sugatan sa isang residential area sa Bulacan matapos bumigay ang malaking tangke ng tubig ng San Jose Del Monte (SJDM) Water District.

Tila flash flood at matinding bagyo ang dumaan sa Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan

Ayon sa isang residente, nagising sila bandang alas-3 ng madaling araw nang makarinig ng malakas na pagsabog na inakala nilang dahil sa kuryente. 

"Pagtingin ko, mataas na tubig hanggang bewang na. 'Di kami agad nakalabas dahil yung bahay sa tabi namin nagiba na. Binasag ko yung bintana para mailabas ko mag-ina ko," kuwento ng residenteng si Fretz Pacba. 

13x14 metro ang sukat ng tangke at kasing taas nito ang tatlong palapag na gusali. 

Ito ang nag-susuplay ng tubig sa buong Muzon, kung kaya matindi ang impact nang bumagsak ang laman nitong tubig na hindi bababa sa 2,000 cubic centimeters. 
 
Nasa 60 ang bahay na nasira. Nawasak din maging gasolinahan at isang furniture shop. 

Pati mga sasakyang impounded sa harap ng presinto, inanod nang halos 20 metro, nayupi at nabasag ang mga bintana. 

'Clearing ops'

Sa tala ng lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte, Bulacan, apat ang nasawi kabilang ang 2 sanggol na parehong 1 taong gulang. 

Ayon sa pamunuan ng SJDM Water Distric, ngayon lang bumigay ang tangke na pitong taon nang nakatayo. Taon-taon din umano ang kanilang inspeksyon. 

"Kung bibigay yan dapat pababa, babagsak lang. Pero yan bakit parang sumabog talaga," tanong ni Loreto Limcolioc, general manager ng SJDM Water District. 

Pati tubig at kuryente, pansamantalang nawala pero ipinangako namang maibabalik ngayong araw.

Sinuspinde rin ang pasok sa mga paaralan sa Muzon at kalapit na lugar habang nililinis ang pinangyarihan ng insidente. 

Nangako ang mayor ng lugar at ang pamunuan ng local water district na sasagutin ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima. 

"Basta ang usapan namin ng local water district ay lahat ng gastusin sa ospital ay walang babayaran ang mga nandidito na apaktado...at mga namatayan, sagot na namin ang pagpapalibig [at] burol," ani Mayor Arthur Robes.

'Imbestigasyon'

Nang suriin ng mga opisyal ng Local Water Utilities Administration (LWUA), laking gulat nila sa tumambad na estado ng bumigay na tangke. 

"Ito sabog kasi eh, so there must be something different...First time, na ganitong itsura nangyari, sumabog sya, with this structure ah, yung ganyan, first time lang po," paliwanag ni Nestor Evangilista, Deputy Administrator for Operations ng LWUA.

Nais paimbistigahan ni Robes kung may pananagutan ba ang local water district sa malagim na pangyayari. 

"Gusto naming malaman kung tama ba ang paglalagay o pagko-construct nung water tank o water depot ng local water district. Or saan ba may pagkakamali?" ani Robles.

Ang mga pulis naman, titingnan kung mayroong bakas ng pampasabog ang nasabing tangke, gayong wala naman daw nakitang kakaiba bago ang nangyaring insidente. 

As I saw the scene, eh wala kaming makitang unusual. Later on, we might request the EOD (Explosive Ordnance Disposal) experts to determine kung may trace o wala," ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte Police.

-- Ulat nina April Rafales, Jasmin Romero at Jorge Cariño

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.