'2 sa kada 3 graduates, walang sapat na kakayahan para sa gustong trabaho'

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 02:44 AM

Mahigit sa kalahati ng mga nagtatapos na estudyante sa bansa ang walang sapat na kakayahan o hindi qualified para sa mga trabahong gusto nilang pasukan, base sa pag-aaral ng grupong "Aspiring Minds". 

Ang bagong graduate na si Jonalyn Clemente, nagtapos sa kursong information technology at nagbabaka-sakali sa call center.

Isa lamang siya sa mahigit 600,000 na nagtapos sa kolehiyo ngayong taon na humaharap sa malaking hamon ng paghahanap ng trabaho.

Sa isinagawanag survey ng Aspiring Minds, apat na "skill sets" ang tiningnan, kabilang dito ang "language" o husay sa paggamit ng wikang Ingles, "cognitive skills" o ang abilidad na makintindi ng mga komplikadong konsepto, "soft skills" o ang personality at ugali, at "functional skills" o ang kakayahang gampanan ang responsibilidad.

Lumabas sa pag-aaral na 65% o katumbas ng dalawa sa bawat tatlong bagong graduate ang may kulang na "skill" na kinakailangan para sa gustong pasuking trabaho. 

Natuklasan sa nasabing pag-aaral na mahina ang mga graduate sa "cognitive skills" na indikasyong mas mahirap sanayin ang isang aplikante o empleyado.

Libo-libong trabaho sa BPO 

Isyu ang kakulangan sa kakayahan ng aplikante para sa business process outsourcing (BPO) industry na ngayo'y unti-unti nang gumagamit ng mga robot para sa ilang uri ng trabaho.
 
Ngayon pa lang, nahihirapan nang punan ang mahigit 70,000 na bagong trabahong nadadagdag kada taon sa BPO industry.

Nasa walo hanggang 10% lang din ang hiring rate sa industriya.

Ibig sabihin, sa bawat 100 aplikante, 10 lang ang nakapapasa sa pamantayan ng BPO.

Ayon sa Contact Center Association of the Philippines, importanteng marepaso at i-upgrade ang curriculum sa mga eskuwelahan para akma ito sa magiging trabaho ng aplikante.

Maliban pa rito, ikinababahala rin BPO companies ang planong alisin ang tax incentives ng industriya sa ilalim ng tax reform package. 

Nasa 1.2 milyong manggagawa ang nasa BPO Industry, base sa datos noong 2016. 

Inaasahang lolobo ang bilang na ito sa 1.8 milyon pagdating ng taong 2022. 

-- Ulat nina Michelle Ong at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.