Konsehal sa Marinduque patay sa aksidente

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2016 01:34 PM

Patay ang konsehal at dating alkalde ng Torrijos, Marinduque matapos mabangga ng bus ang kanyang minamanehong motor sa Brgy. Poblacion ng nasabing bayan, Huwebes ng umaga. 

Pumailalim sa bus ang motorsiklong sakay ni Gil Briones, konsehal sa Torrijos, Marinduque. Kuha ni Bayan Patroller Jhay-Ar Laylay Flores II.

Sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na posibleng lumipat ng lane si Gil Briones habang nagmamaneho sa National Highway, bago ito nabangga ng humaharurot na JAC Liner Bus mula sa kanyang llikuran. 

Binatay ito ng pulisya sa natagpuang skid marks sa kalsada kung saan naganap ang aksidente.

Nang mabangga, nalaglag umano sa motor si Briones at humampas ang ulo niya sa gutter. Naisugod pa si Briones sa ospital ngunit binawian rin ng buhay.

Nasa kustodiya ng Torrijos Municipal Police Station ang drayber ng bus habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.