Umento sa minimum wage, tatamaan ng nakaumang na dagdag-kontribusyon sa SSS

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 09:24 PM

Epektibo na nitong Huwebes, Oktubre 5, ang P21 umento para sa mga sumasahod ng minimum wage sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Mula sa dating P491, magiging P512 na ang arawang sahod ng mga manggagawang mula sa non-agricultural sector.

Magiging P475 naman ang sahod kada araw ng mga tauhan mula sa mga sektor ng agriculture, retail, service at manufacturing.

Kabilang ang mga construction worker, guwardiya, salesperson, at iba pang pribadong manggagawa sa mga makikinabang sa bagong minimum wage.

Pero pihadong sila rin ang maaapektuhan sakaling matuloy ang isinusulong na dagdag-kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Kapag nagkataon, magiging P1,260 na ang kontribusyon ng mga sumusuweldo ng P10,000 kada buwan na kasalukuyang kinakaltasan ng P1,100. 

Para naman sa mga sumusuweldo ng P20,000, magiging P2,500 na ang kasalukuyang kontribusyon na P1,760.

Naglatag ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines ng apat na kondisyon para suportahan ang dagdag-kontribusyon. 
    
Dapat anila, kasuhan ang mga delingkuwenteng employer na hindi nagre-remit sa SSS ng inawas na kontribusyon mula sa suweldo ng mga manggagawa.

Dapat din daw bawasan ang bonus ng SSS officials, pati na ang kanilang mga biyahe abroad, at gandahan din ang serbisyo sa miyembro.

Pumayag na ang mga employer na sasalo sa malaking parte ng dagdag-kontribusyon.

Pero ayon kay Donald Dee, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines, maaaring hindi sumunod dito ang ibang kompanya o employer. 

Aniya, wala ring garantiyang kakayanin ng lahat ng kompanya ang planong dagdag-kontribusyon sa SSS lalo pa at kabibigay pa lang ngayon ng hirit na umento sa minimum wage. 

Pero nilinaw naman ni SSS Chairman Amado Valdez na "last option" na lang ang pagtaas ng kontribusyon.

Hahanap din aniya sila ng mga paraan para madagdagan pa ang pondo ng ahensiya at mapahaba ang buhay ng pension fund nito.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.