Shabu, kontrabando nasamsam sa Cebu jail

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 12:02 PM | Updated as of Oct 05 2017 02:40 PM

MANILA - Nakumpiska ang sari-saring kontrabando at P22,000 halaga ng hinihinalang shabu nang salakayin ng mga awtoridad ang Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC), Huwebes. 

Kabilang sa mga nasamsam sa Greyhound Operation ang ilang appliances, mga sigarilyo, matatalim na bagay, mga drug paraphernalia at cellphone. 

Nakuha naman ang 2 pakete ng shabu mula sa selda ng high-value inmates na sina Jerreyfer Peligrino at Russel Calida. 

Nakapasok ang mga kontrabando dahil umano sa maluwag na seguridad na dulot ng kakulangan sa personnel, ayon sa bagong talaga na CPDRC jail warden na si Audesto Miguel. 

Aniya, 62 jail guards at 27 watchmen lamang ang kasalukuyang nagbabantay sa 3,541 inmates ng CPDRC. 

Nakilala noon ang nasabing kulungan dahil sa "dancing inmates" nito na nag-viral sa internet. 

Nitong Marso, kinondena ng ilang human rights group ang management ng piitan matapos kumalat ang mga litrato ng mga preso na pinaghubad habang hinahanapan ng kontrabando. 

Nagkaroon na din ng imbestigasyon ang mababang kapulungan ukol sa nasabing anomalya sa pagpapatakbo ng CPDRC. 

-- May ulat nina Jude Torres at Vilma Andales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.