Nanlaban: 2 patay sa magkahiwalay na buy-bust sa Bulacan

Kristines Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 09:54 AM

Dalawa katao ang patay sa magkahiwalay na buy-bust operation madaling araw ng Huwebes sa Malolos, Bulacan.

Unang naka-enkuwentro ng pulis ang isa umanong tulak ng shabu na kinilalang alyas Eric, alas-4:30 ng umaga sa Barangay Pinagbakahan.

Madalas daw itong magpanggap na ice cream vendor lalo na't madaling maitago ang mga pakete ng mga shabu sa mga apa o kaya sa kanyang panukli.

Nagtangka pang tumakas si Eric gamit ang isang tricycle nang aarestuhin ng undercover na pulis. Nagpangabot sila ng pulis at nanlaban umano si Eric gamit ang isang sumpak.

Sumpak din ang ginamit ng isa pang tulak na kinilalang alyas Ver nang mahuli sa buy-bust operation.

Pasado alas-5 nang maka-enkuwentro ng mga pulis si Ver na nagtangka rin tumakas gamit ang kanyang tricycle.

Ayon sa barangay police, na-tokhang na noon si Ver at Eric ngunit hindi dumaan sa rehabilitation at noon ay bumalik din sa pagtutulak ng droga.

Bahagi ng One Time Big Time operation ng Malolos, Bulacan ang mga buy-bust operation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.