Mga guro, nagkilos protesta kasabay ng World Teachers' Day

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 01:22 PM | Updated as of Oct 05 2017 01:46 PM

Gugunitain ng grupo ng mga guro ang World Teachers' Day ngayong Huwebes sa pamamagitan ng kilos protesta para hilingin ang pagtaas ng sahod sa mga public school teacher.

Nagsalo-salo sa kanin, tuyo, nilagang itlog, at instant noodles ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers - NCR na hindi inalantana ang ulan para pumunta sa Mendiola.

Para sa kanila, simbolo ang simpleng almusal ang araw-araw na dinaranas ng mga guro na pinagkakasya ang maliit na sahod para sa kanilang mga pamilya.

Kaya ngayong Pandaigdigang Araw ng mga Guro, pinapanawagan nila sa pamahalaan ang pagtaas ng sahod ng mga public school teacher mula sa base pay na mahigit P19,000 kada buwan.

Nasa Kongreso ngayon ang House Bill Number 56 nina ACT Teachers' Partylist representatives Antonio Tinio at France Castro na naglalayong itaas ang base pay sa P25,000 para sa Teacher 1 at gawing P16,000 ang sahod ng kawani sa public schools.

Ayon kay Castro, kahit mas mataas ang sahod ng public school teacher sa nasa private school, naghahanap pa rin ng dagdag na mapagkakakitaan ang mga guro para maitawid ang gastusin ng kanilang mga pamilya. Sila pa ang sumasagot sa ilang mga gamit sa paaralan gaya ng chalk.

Umaasa naman siyang magiging batas ang kanilang panukala ngayong sesyon ng Kongreso at sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero hiling din nila, wag nang taasan ang buwis dahil mawawalan din ng saysay ang pagtaas ng sahod.

Mamayang hapon magmamartsa ang grupong ACT mula Morayta papuntang Mendiola para muling igiit ang dagdag sahod at pagpigil sa dagdag-buwis. 


-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.