Kamara: May sapat na batayan ang impeachment case laban kay Sereno

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 08:12 PM | Updated as of Oct 06 2017 01:42 AM

Bumoto ang 25 kongresista pabor sa "sufficiency of the grounds" o pasok sa grounds for impeachment ang mga bintang ng abogadong si Lorenzo Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Mga pabor sa "sufficiency of the grounds" ng Sereno impeachment complaint:

  • House Majority Leader Rodolfo Fariñas
  • Deputy Speaker Fredenil Castro 
  • Deputy Speaker Gwen Garcia
  • Rep. Victoria Isabel Noel
  • Rep. Luis Angel Campos
  • Rep. Divina Grace Yu
  • Rep. Salvador Belaro
  • Rep. Doy Leachon
  • Rep. Rosemarie Arenas
  • Rep. Henry Oaminal
  • Rep. Harry Roque
  • Rep. Ron Salo
  • Rep. Ferjenel Biron
  • Rep. Romeo Acop
  • Rep. Benhur Lopez
  • Rep. Eugene Michael de Vera
  • Rep. Arthur Defensor
  • Rep. Anne Hofer
  • Rep. Roy Loyola
  • Rep. Vincent Crisologo
  • Rep. Vicente Veloso
  • Rep. Rodante Marcoleta
  • Rep. Anthony Bravo 
  • Rep. Aurelio Gonzales 
  • Rep. Rimpy Bondoc

Mga di pabor sa "sufficiency of the grounds" ng Sereno impeachment complaint:

  • Rep. Kit Belmonte
  • Rep. Kaka Bag-ao

Tanging sina Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-Ao at Quezon City Rep. Kit Belmonte ng Liberal Party ang kumontra.

Natapos ang botohan matapos ang higit isang oras.

Pero tumagal ang pagdinig dahil pagkaboto, pumalag ang mga pabor kay Sereno dahil ni hindi man lang umano nabusisi ang mga reklamo para masala.

Ni hindi nga raw pinagsalita ang mga kongresistang hindi miyembro ng House Committee on Justice. 

Sa patakaran kasi ng Kamara, ang 'di miyembro ng komite, walang boto at nasa discretion o desisyon ng chairman kung papayagang magsalita.

Tinanggihan rin ang hiling nilang maging miyembro ng komite.

"The House Committee on Justice put the cart before the horse when it precipitately and prematurely voted that there are sufficient grounds [for impeachment]," ani Albay Rep. Edcel Lagman.

"Pag-usapan natin nang maayos. Hindi 'yong minamadali at ayaw pag-usapan at palalimin ang mga alegasyon laban sa kaniya kung dapat nga siyang ma-impeach," sabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Hindi pinansin ng komite ang panukala nina Lagman at Bag-Ao na isa-isang pagbotohan ang 27 reklamo ni Gadon.

Dagdag ni Bag-Ao, walang sufficient grounds ang reklamo dahil hindi naman impeachable offense ang mga reklamo ni Gadon base na rin mismo sa mga sinagot nito sa mga tanong ng komite.

Bukod sa walang ebidensiya, wala rin daw maipakita si Gadon na paglabag sa Saligang Batas ni Sereno.

Pero ayon kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, sa round 4 o "determination of probable cause" pa talaga ang pagbusisi sa mga reklamo dahil doon lang sila magpapatawag ng mga testigo at ebidensiya.

Sa susunod na buwan pa ito nakatakda, kaya ang kabuuan lang ng reklamo ang pinagbatayan nila sa ngayon.

Dati nang sinabi ni Umali na tanging ang reklamo at ang mga sagot nina Sereno at Gadon lang ang batayan ng boto sa ikatlong round na ito ng paninimbang sa impeachment complaint laban sa Punong Mahistrado.

Dismayado naman ang kampo ng Chief Justice lalo't nakalilito umano ang talakayan.

Giit ng abogadong si Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno sa impeachment complaint, walang sapat na batayan at di rin matatawag na "impeachable offenses" ang mga alegasyon ni Gadon.

Ayon naman kay Umali, di dapat sisihin ang Kamara sa impeachment ni Sereno dahil hindi naman nila pakana ito.

"The complaint was filed outside, there appears to be the hand of some members within the judiciary that have interest in the case. I hope we will not be faulted for it," ani Umali.

Hindi naman inaksiyonan ng komite ang mga sulat ng kampo ni Sereno na hayaan ang kaniyang mga abogado na i-cross-examine ang mga nagbibintang sa kaniya.

Pag-aaralan pa ng komite ang hiling ng mga abogado ni Sereno.

Giniit rin ng kampo ni Sereno na karapatan ng Punong Mahistrado na hindi dumalo sa hearings dahil abala ito sa trabaho sa Korte Suprema.

Dati na kasing sinabi ni Umali na dapat si Sereno mismo ang mag-cross-examine dahil bawal ang abogadong magsalita sa komite.-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.