'Iwas patayan': Oposisyon sa Senado, nais tapyasan ang P900-M budget sa ‘Tokhang’

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 09:10 PM

Ngayong pinagde-debatehan na sa Senado ang panukalang 2018 national budget, nangako ang minority bloc na haharangin pa rin nila ang nakalaan sanang P900-milyong pondo pang-suporta sa kontrobersiyal na “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP).

Ito'y matapos aprubahan ng Senate finance committee ang nasabing budget kahit pa maraming kumokontra dito mula sa iba't ibang grupo. 

Imbes na tokhang, o ang bahay-bahay na pagsuyod ng pulisya sa mga umano'y tulak o gumagamit ng droga, isusulong daw ng minorya na ilipat na lang ang naturang alokasyon sa pagpapagawa ng drug rehabilitation centers sa mga komunidad.

“We will move at the proper time na tanggalin na 'yung budget ng tokhang para masigurado po na wala nang ibang namamatay sa ating bansa na hindi naman dapat pinapatay,” ani Senador Bam Aquino. 

Pero ang planong ito ng oposisyon, agad kinontra ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na mahigpit na taga-suporta ng “war on drugs” ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

“I think that’s a wrong statement na hindi effective. Napakaraming diperensiya nung mga two years ago… nung mga nakaraang administrasyon parang ayaw hipuin ang problema sa droga, ni hindi nababanggit sa SONA (State of the Nation Address) kahit minsan. Eh alam natin 'yun ang problema sa kalsada,” depensa ni Sotto. 

Oras na igiit ng minorya ang pagharang sa tokhang budget, idadaan daw ito ng mayorya sa botohan, dagdag ni Sotto. 

 ‘Mula sa utang at buwis’ 

Ang P3.767-trilyong proposed 2018 budget ay matatawag na deficit budget dahil ang pagkukuhanan nito ay kumbinasyon ng mga uutangin ng gobyerno at koleksyon sa buwis. 

Inilista naman ni Senador Loren Legarda, na siyang puno ng Senate finance committee, ang ilang mga nadagdag sa 2018 proposed budget, tulad ng aloksyon para sa mga sumusunod:

• Philhealth - P3 bilyon
• National Irrigation Administration (irrigation fees subsidy) – P2 bilyon
• One-time cash grant para sa mga 100 anyos pataas na senior citizens – P189.5 milyon
• Pautang para sa mga taga-Marawi - P500 milyon
• National Intelligence Coordinating Agency (NICA) intelligence fund – P100 milyon 
• Department of Education (pang tustos sa P3,500 chalk allowance ng mga guro) – P770 milyon 

Ayon kay Legarda, ang dagdag na perang ilalaan para sa NICA ay gagamitin para maagapan ang iba pang planong pag-atake ng mga terorista gaya ng nangyari sa Marawi. 

“[Additional] fund for the National Intelligence Coordinating Agency [will] ensure that it is ready and equipped in preventing any more Marawi-like crises from happening,” ani Legarda. 

‘May pork?’

Si Senador Panfilo “Ping” Lacson naman, may nasilip umanong butas sa budget sa Department of Public Works and Highways at Department of Agriculture, na ayon sa kanya ay puwedeng brasuhin ng mga politiko. 

“Ang budget natin is never pork-less. Even in 2018, meron pa ring pork 'yan,” rebelasyon ni Lacson

Samantala, mukhang madaragdagan pa ang budget ng Commission on Human Rights, salungat sa nangyari sa mababang kapulungan kung saan binigyan lamang ito ng P1,000 budget bago magdesisyong gawin itong P500 milyon.

Sa Senado, P664 milyon ang planong ilaan sa CHR, ang ahensyang nag-iimbestiga sa umano'y laganap na extrajudicial killings sa bansa. 

Tuloy ang debate sa budget sa Senado hanggang sa susunod na Linggo, bago ang isang buwan na bakasyon ng mga senador.


-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.