'Bato' dinepensahan ang pagtawag ng 'ingrato' sa mga kritiko

Danielle Louise Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 04:45 PM | Updated as of Oct 05 2017 05:07 PM

TUGUEGARAO CITY, Cagayan - Muling naglabas ng sama ng loob si Philippine National Police Director General Ronald Dela Rosa matapos batikusin ang kaniyang naging pahayag na ingrato ang mga kritiko ng kampanya kontra droga.

Ayon kay Dela Rosa, nasaktan lamang siya dahil pakiramdam niya ay wala nang magandang ginawa ang mga pulis sa paningin nitong mga kritiko at tanging mga kamalian ang nadidiin.

“I am not asking you to be grateful to us, no. As a human being lang sasabihin ko yun na nasasaktan kami. Tila baga we are serving an ungrateful master. Binuwis mo na yung buhay mo, yung iba sa amin namamatay na sa pakikipaglaban dyan sa mga adik, drug pusher na yan,” aniya nang siya ay bumisita sa Cagayan bilang panauhing pandangal sa selebrasyon ng 116th police service anniversary ng regional office dito.

Hindi naman itinanggi ni Dela Rosa ang resulta ng Social Weather Stations survey mula noong Hunyo 23 hanggang 26, na nagsasabing higit kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang mahihirap ang napapaslang ng mga pulis sa war on drugs, ngunit ipinaliwanag niya kung bakit madalas mahihirap ang namamatay.

“Totoo po, I agree with you. Sabi nga ng SWS survey because you have to understand yung drug organization is a pyramidal structure: maliit yung taas, malawak yung base. Ang mayayaman sa drug trade dito, sa taas, yung mga drug lord, distributor; ang pinakamababa yung sa pinakailalim drug syndicate yun, yung mga mahirap na pusher, streel level pusher, so ang dami sa baba,” aniya.

Pero iginiit naman niya na maging ang malalaking tao ay tina-target nila gaya ng mga Espinosa sa Leyte at mga Parojinog ng Ozamis City, mga alkalde sa kanilang siyudad na napatay sa operasyon ng pulis.

“So if you attack the drug problem, if you wage the war on drugs, pag nag-buy-bust operation, ka sinong nakaka-engkuwentro mo? Yung nasa baba kasi sila talaga yung hawak ng droga. Itong mga drug lords sa taas, they can keep themselves clean,” sabi nito.

Sa kabila ng mga batikos, pinayuhan ni Dela Rosa ang kaniyang mga pulis na huwag magpaapekto. 

“Wag niyong isipin na kayo’y kritiko, wag niyong isipin na kayo’y pro-government, isipin niyo’y kayo’y tao. Kung kayo ay isang tao na may magandang moral background dapat somehow it should come into your mind na salamat naman at nawala yung mga pusher, nawala yung mga adik dito sa aming lugar, hindi na masyadong delikado yung aming mga anak papasok sa eskwelahan, hindi na ako takot na masaktan," aniya.

"Kami anytime dahil nabawasan na yung mga ganung klaseng tao so nakikinabang tayo in one way or another,” dagdag pa niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.