5 nanloob sa bangko sa Fairview, mga minero?

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 11:36 AM

Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit ang limang miyembro ng Termite Gang na umano'y nanloob sa sangay ng China Bank sa Camaro Street sa Fairview sa pamamagitan ng pagdaan sa manhole at pagbutas sa sahig ng bangko.

Kinilala ang mga suspek na sina Jordan Duldulao, Malebert Bautista, Gearldine Bawas, Ambrose Rex Layao at Allyson Aligan. Ang pinakabata ay edad 23 at ang pinakamatanda ay nasa 29 anyos, na mga taga-Ilocos Sur at Baguio City.

“Marunong pong mag hukay, mga minero,” ani Chief Superintendent Guillermo Eleazar, district director ng QCPD.

Sa isinagawang follow-up operation ng awtoridad, narekober nila mula sa safehouse ng grupo sa San Jose del Monte, Bulacan ang mga oxygen tanks at iba pang kagamitan sa paghuhukay.

Natiklo ang mga suspek sa New York Street sa Cubao noong Martes ng gabi habang pinaplano ang pupuntiryahing bangko matapos itimbre ng isang impormante.

“Sila po ay nagke-casing sa isang bangko dito sa may Cubao para sa kanilang next na target,” pahayag ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, district director ng QCPD.

Napag-alaman din na sangkot ang mga ito sa insidente ng pagnanakaw sa iba pang mga establisimyento.

“Sila po ay involve sa at least 5 pang kaso ng the same modus dito sa Region 3, NCR at Region 4-A. Tatlo sa kanila respondents sa dalawang kaso…pawnshop robbery sa Marikina at Cavite na Wilcon [Depot] na kanilang pinasok din po,” banggit ni Eleazar.

Aminado naman ang mga naarestong suspek sa krimen pero iginiit na look-out at driver lang sila.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng awtoridad upang matukoy ang iba pang miyembro ng Termite Gang.

“Itong Termite Gang, mga anay na naghuhukay sa ilalim ng lupa. Tinawag itong Termite Gang, generic, pero hindi ibig sabihing isang grupo lang po ito. Marami sila kaya lang may mga ugnayan sila base na rin sa kanilang mga financiers o nasa likod ng mga grupong ito,” paliwanag ni Eleazar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.